4.10.06

Buhay Ko, Baka Buhay Mo Rin


Katha ni Reinhurt
Sa pagnanais kung simulan ang aking salaysay sa isang masaya at makabuluhang pangyayari, ang mga paunang salita ay maaaring may bahid na kathang-isip at walang katotohanan. Ngunit napagisip isip ko, kahit yata sa panaginip, di man lang ako makakain ng tatlong beses. E di sisimulan ko na lang to kung paano talagang nagsimula ang lahat. Hindi nga ba’t may iba sa ‘tin na natutong managinip ng gising upang makaalpas sa sigalot at lupit na bigay ng tadhana, ng buhay. Upang sa isang saglit ay mabuhay ka sa isang masayang mundo – bigla ka na lang mapapabalikwas dahil sa sakit ng sipa ng mamang pulis. Layas, lumayas kayo rito, mga peste! Mga katagang maririnig mo halos araw araw na noong una, napatingin ka pa sa likuran mo at baka tinubuan ka na ng pakpak. Tinawag ka ba namang peste.


Kahit papano e nakakaraos rin naman ang mga pesteng tulad ko, sabi mo sa sarili mo. Di nga ba’t ang lapad lapad ng higaaan ko, libre pa ilaw, mahangin, me musika pa. Ang pagkain ko drum drum. Haha bahaw mong tawa, meron ba kayo non. Sanay ka na. Sanay ka nang maging higaan ang silong ng overpass sa harap ng UST, maging ilaw ang mangilan ngilang bituin sa mapolusyong langit ng maynila, masinghot ang usok sa mga lumang jeep at humukay ng tirang manok sa likuran ng Jollibee sa me crossing. Sanay ka na di ba? Nakakasanay ba ang hirap, ang gutom, ang pesteng buhay?

Minsan napatingin ka sa karatula ni Sharon sa me EDSA. ‘Tangina, ang yaman talaga ni Sharon. Hindi na nakuntento sa maliit na Kodak, e nagpagawa pa ng napakalaki e. Tarantado ka pala e. Di naman picture ‘yan, poster, poster ang tawag dyan tanga! Pasensya na tol, di ko alam na ala ka palang pinag aralan. Di mo naman kasalanang maging mangmang. Pero alam ko marunong kang magbilang. Isa, dalawa, tatlong araw na akong di nakakain ah. ‘Yan ang tangi mong nalalaman.


Putsa naman kasi! Mura mo, hinagpis mo. Matagal tagal na ring di nasasayaran ng masaganang luha ang humpak mong pisngi. Me luha ka pa nga ba? Ah, alam ko na. Ang huli kong iyak ay noong araw nasama si Soledad sa rambol ng mga basurero laban sa mga mapang-abusong tauhan ng gobyerno, sa Payatas. Sa pagnanais na maabutan ako’t maakay, nahagip ng rumaragasang sasakyan si Soledad. Patay, di na ako nakuhang kausapin. Di na ako nayakap ng inay ko bago sya nalugatan ng hininga. Limang taon ako non, limang taon na ang nakakaraan.

Ano ba ang alam ng sampung taong gulang na palaboy sa kalye. Mandukot sabay karipas ng takbo at susuot sa mga makitid na iskita upang di mahabol ng mga isa’t kalahati ring mga buayang parak. Takbo, hingal, takbo – minsan pag minalas lispistik lang ang laman ng bag, jackpot na kung merong Hansel na biskwit kang madudukot. Mangilan ngilang beses na ring nahuli at akala mo kamatayan ang naghinhintay sa ‘yo sa mga oras na yun. Ano nga ba ang laban ng isang buto’t balat na bata sa magagaspang at matitigas na kamao ng mga tulisang lungsod. Mas malinis pa ang nilabhang basahan ni Aling Salud don sa karinderya nya sa Hidalgo sa me Qiapo kesa sa basag basag na ginulping mukha.

Ang bawat tilamsik ng ulan nagmula sa nagagalit na kalangitan ay nagbabadya ng samut saring damdamin sa isang ulilang paslit na katulad ko. Kasabay na inanod ng tubig baha ang burak at ang masaganang dugo mula sa mga sugat ko. Hindi kayang isilong ng karton ng Camel ang nananakit kung katawan, walang me kayang pawiin ang sakit ng dulot ng bawat dagok ng buhay sa aking pagkatao.

Minsan, sasabayan ko ang bawat kulog at kidlat ng isang malakas na palahaw. Inay, kunin nya nyo ako, hindi ko na kaya. Hindi ba kayo naaawa sa kin. Wala na akong makitang sirang tsinelas sa imbakan e. Masakit na ang mga yapak ko. Ipinagbawal na rin ang paghuhukay sa likod ng me restoran sa me Ongpin dahil nga raw sa lingguhang inspeksyon. Nay, wala na akong espasyo matutulugan don sa dati nating lugar sa me underpass. Marami na ring tulad ko, ang iba nga lang me mga nanay na kasama. Nay, kunin nyo na ako.

Titigil ang ulan at titigil din ang munti kung palahaw. Nakakapagod kausap si Inay, hindi naman sumasagot. Magkikita pa kaya kaming muli? Hoy bata! Me tumatawag sa kin. Ang askad naman ng mukha ng mamang ito, parang pulis. Bakit po? Tanong ko. Gusto mo bang kumita ng pera, madali lang ‘to. Hwag kang mag-alala tuturuan kita. Ano po ba yun? Ganito yun, may ibibigay akong kahon sa ‘yo at dadalhin mo sa address na to. Malapit lang yun, sa pangalawang kalye lang.

Ayoko po. Baka kung ano yan e may pulis sa bandang kanto. Wala ‘to, pagkain lang ‘to. O hetong bente pesos. Natigilan ka. Nagisip-isip ka. Dalawang piso nga lang e hirap ka pang kitain sa isang araw. Grasya na ‘to naibulong mo. Sige po, akin na po ‘yang kahon. Bitbit mo ang kahon tungo sa lugar na di mo alam kung anong panganib ang naghihintay. Hindi pala, hindi sakop ng mura mong isip ang panganib na iyong sinusuong. Ang sa isip mo’y ang maibibili mo sa perang natanggap mo.

Tao po, tao po—sigaw mo, tao po – alang tao. Aalis ka na sana, hoy bata anu na? tanong ng bisayang nagbukas ng pintong bakal. E, ano po, pinabibigay po ni Mang ano, ni Mang – namputsa nakalimutan mo ang pangalan ng taong me maaskad na mukha. Ma, di ko po nakuha ang pangalan e. Hindi bali, akin na na at tsaka alis na ka na at ayaw na pagbalik dinhi! Klaru!

Paalis ka na ng biglang --------- screeeeeech……scrreeeeeech.screeeeech….Men position. Lopez magdala ka nang lima. D’on kayo sa likuran. Buenavista, doon kayo sa bandang kanan, isama mo si Arnaldo para may matutunan ‘yang tatanga tangang ‘yan. O kayong lahat back me up, dito tayo sa main entrance. Takbuhan, parang kulog ang tunog ng mga yumayagabag na sapatos ng mga militar.

Aray ko pooooo. Nagulat ka nang may sumaklot sa damit mo. Anong ginagawa mo rito, siguro tagarito ka ano. Mga kasamahan mo ‘yang nasa pagawaan ng shabu ano. Hindi po, napadaan lang po ako rito. Anong napadaan e kitang kita kitang kalalabas lang sa pintuan. Hala pasok sa sasakyan, hintayin mong mga kasamahan mo para madala kayo sa prisinto.

Ma, wala po akong kasalanan. Hikbi mo, ma, maawa na po kayo sa akin. Hindi ko po alam ang sinasabi ninyo. Maaaaaaaaaaaaaaa, hawak mo ang barandilyang bakal na nakatakip sa bintana ng sasakyan. Nanghina ka na sa kaiiyak. Maaaa. Inay, tulungan nyo po ako. Naaaaaay, hikbi, singhot, hikbi…nay. Sa gitna ng impit mong pag-iyak, nadukot mo ang bente pesos --- puede ko kaya ‘tong pambayad sa mga pulis para palayain nila ako?

Gusto nyo pa bang marinig ang mga susunod na pangyayari, ang mga eksenang sa pelikula lang nakikita ng marami sa inyo. Kailangan pa ninyong mabasa ang aking salaysay kung gaano kasakit, kahirap ang maipit sa barandilyang bakal. Nanaisin ninyo pa bang malaman kung paano unti-unti akong pinapatay ng mga taong ni minsan di ko nagawan ng kasalanan.

Isa ako sa mga batang pinagkaitan ng isang normal na buhay…bubong na masisilungan pag mainit, umuulan. Kumot na babalot pag giniginaw sa gabi. Mainit na tinapay at kape sa umaga. Librong babasahin para may matutunan. Higit sa lahat…pinagkaitan ako ng mga magulang na magmamahal…isang itay at inay na matatakbuhan ko pag ako’y natatakot, mayayakap ko pag ako’y nalulungkot at magtatangol sa akin pag ako’y sinasaktan.

Ayoko ng tanungin kung bakit nangyari sa akin ang ganito…sino ang sasagot. Kayo, me kasagutan ba? Alam kong wala, dahil sa bawat sugat sa aking mga yapak, sa bawat gasgas sa aking mga kamay, katanungan lang ang inyong makikita…walang sagot, wala.

Hindi ninanais na magdulot ng sakit sa inyong mga puso o di kaya’y para ako’y inyong kaawaan. Huli na para sa akin, sana minsan pag napadaan kayo sa mga kalye sa bawat magandang araw na binigay sa inyo ng maykapal, bigyan ninyo ang mga katulad ko ng maski isang sulyap…pansinin ninyo sila kahit isang saglit. Doon nyo lamang mahihiwata ang katotohanan sa bawat salitang aking nasambit, sa aking buhay, na baka buhay mo rin.

Segundo na lang ang aking hinihintay at ako’y magiging maligaya na. Makikita ko na si Inay, mayayakap ko na syang muli. Sana sa langit me kama na si Inay…sana di sya sa ilalim ng overpass natutulog. Sana…doc doooooooc doc, si Emong doc di na humihinga…doc! dit dit dit dit.

Calling the attention of Doctor Burgos, please proceed to ward A8.

No comments:

STOP AIDS

Support World AIDS Day
Click here to visit guys4men.com Add to My Yahoo!